Ear Dream

Minsan talaga, bigla na lang nagkakatotoo ‘yung mga panaginip natin.

Kanina bago ako magising, nanaginip ako. May kasama akong kaibigan (hindi na ‘to sweet na eksena kasama ang isang babae; hindi nga sweet to e). Nakaupo lang kami somewhere. Hindi ko maalala kung bakit kami magkasama dun, basta nagsama kami. Siguro nauna ako sa lugar na yun kasi naka-earphones pa ‘ko, nakikinig sa iPod Nano kong nuno ng mga bagong iPod Nano.

In-ear earphones ang gamit ko,  pero ‘yung hindi masyadong high-end. Wala pa atang 300 ‘yung bili ko sa ginagamit ko ngayon. Nakasaksak ‘to sa tenga ko.

Nung dumating na si friend (hindi ko talaga kilala kung sino to), binati ko siya pero tuloy pa rin ang pakikinig ko sa sounds ko. After a few minutes, tinapik niya ‘ko’t hinihiram ‘yung iPod ko, syempre pati yung earphones. Binigay ko naman.

Alam niyo ‘yung kapag kakapulot niyo lang ng earphones, titignan at uusisain niyo ito para malaman kung alin ‘yung pang-left ear at pang-right ear? Ganoon ang ginawa niya.

May kinukuha ako sa bag ko nang tanungin niya ‘ko, “Pare, ba’t wala ‘yung dulo nitong isa?” Nilapitan ko siya. Wala nga ‘yung rubber na nasa dulo nung earphones, ‘yung part na sinusuksok sa tenga. Hinanap ko sa sahig, baka nahulog kasi. Hinanap ko rin sa bulsa ko, sa bag. Pero wala.

Napakamot ako ng tenga nang may maramdaman ako. At doon ko nakita ang nawawalang part nung earphones. Naiwan pala sa tenga ko.

******
Pumunta ako ng UP kanina. Tuwing nagcocommute ako, ilan sa mga essentials na dinadala ko ay ang aking cellphone, panyo, wallet, coin purse, rosaryo, at earphones, at recently, yung iPod nano ko.

Ready to go na ‘ko. Nasa bulsa na ang cellphone, wallet, panyo at coin purse. Kulang na lang ‘yung earphones. Hinahanap ko siya sa patungan ko sa kwarto. Pagkakita ko rito, napansin kong wala ‘yung rubber thing sa dulo na pinapasok sa tenga.

Pagkakita ko nito, bigla kong naalala ‘yung panaginip ko. Kaya ang first instinct ko ay kapain ang tenga ko, hoping na mapupulot ko ang nawawalang parte sa tenga ko, nakakabit.

Pero wala e. Umalis ako ng bahay nang walang entertainment habang nagcocommute. Walang music, walang talk radio, wala. Ang tanging musikang narinig ko ay ang symphony ng busina, makina, at mga barker.