May Ipis Sa Tabi Mo

"OK. Adjourned," sabi ng bosing ko. Tapos na ang miting na hinintay ko ng mahigit tatlong oras. Gusto ko nang umuwi. Antok na antok na 'ko e.

Matapos makipagkwentuhan sandali sa taas ng Plaridel, bumaba na rin ako. Malamig ang simoy ng hangin. Basa pa ang kalsada at madilim ang kagabihan. Mabuti na ring late na natapos 'yung meeting. At least kasabay niyang tapos ang malakas na ulan.

Kumukulo na sikmura ko. Pagkatapos ng food fest sa Kas 2, lunch time pa, wala na 'kong kinain. Ang tanging ipinasok ko lang sa tiyan ko ay isang boteng tubig ('yung tubig ang pinasok ko, hindi 'yung bote). Isa pa 'tong dahilan bakit excited na 'kong umuwi. Para makakain na.

Naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep. May nakita akong ipis sa kalye. Gumagapang. Buti na lang hindi ako nilapitan. 'Di ko na pinansin. Tumuloy na lang ako sa aking patutunguhan. Ayun. Sakto. Pagkarating ko sa sakayan, may dumating agad na jeep na biyaheng MRT. Wala pang masyadong laman.

Walang traffic. Nakarating agad ako sa Quezon Avenue MRT station. Buti na lang. Pagkasakay ko nga lang ng tren, ayun, puno. Gabi na rin naman kasi. Pasado alas-sais na e. Inexpect ko na rin naman 'yun. Not that I like it.

Pagkadating ng Ayala Station, bumaba na 'ko. Walang hiya, nagkauntugan pa kami nung nasa likod kong lumalabas rin ng tren. Medyo masakit rin siya, pero OK lang. Mauntog ka rin sana, naisip ko. Kumulo na naman tiyan ko. Pero dahil gusto ko nang umuwi, at dumadaan naman ng Skyway 'yung bus, sige, titiisin ko na lang muna.

Ang dami talagang sumasakay ng MRT sa Ayala. 'Yung pila para sa ticket – o pila yata 'yun sa baggage "inspection", ewan. Ang dami nila e – hinaharangan na 'yung exit ng mga bumaba ng Ayala. Pilit kong linusot ang pader ng taong iyon. The shortest distance from Point A to Point B is the perpendicular distance between them, kaya siningit ko na lang sarili ko sa pila.

Pagbaba ko sa sakayan ng bus, grabe ang kapal ng tao. Makapal ang dami nila. Makapal rin ang mukha. Pagkababa mo kasi dun, may dalawa kang makikitang sign: "Sakayan ng PACITA", mga dalawampung hakbang mula sa hagdan, at "Sakayan ng ALABANG" mga halos bente ring hakbang mula sa PACITA.

Nagulat ako nang makita kong ang mga tao'y hindi na pumipila sa tamang sakayan. Imbes na hintayin nila 'yung mga bus na pumunta sa kanila sa tamang lugar ng sakayan, ang mga tao ang pumunta kung saan nakapila ang mga bus. Grabe talaga.

Pumila na 'ko sa Alabang part. Ang dami talagang tao. Dumungaw ako para makita kung may paparating na bus biyaheng Alabang. Meron naman. Mga pangatlo sa pila. Pero siyempre, bilang lahat naman ng mga commuter gustong mauna, hindi na nila hihintayin 'yung bus. Sila na mismo ang pupunta sa bus. Makikipagtulakan, gitgitan, at sugatan ang bawat isa para lang makasakay.

Nang makita ko ito, naalala ko 'yung sumalubong sa 'kin bago sumakay ng jeep papuntang MRT station: 'yung ipis. Naisip ko talaga, parang mga gutom na ipis 'tong commuters na 'to. May nakita lang na makakain sinunggaban na agad. Hindi lang pala sila isang ipis. Isang silang swarm ng ipis.

Kung sabi ni Gat Jose Rizal, "Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda", ang sabi ko naman, "Ang hindi marunong pumila sa sakayan ng bus, masahol pa sa ipis."

Bakit hindi umaasenso ang mamamayang Pilipino? Tumingin ka lang sa EDSA makikita mo na kung bakit. Magcommute ka lang sa EDSA, makikita mo na ang dahilan. Baka nga makatabi mo pa e.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s