Limang Minuto

Ang lamig ng hangin. Sarap matulog. Gustuhin ko man, hindi na pwede. May pasok e. Kelangan ko nang bumangon sa kama. Ang hirap. Feeling ko may trangkaso ako kahit wala naman. Actually 'di ko alam kung anong oras na. Matignan nga. 8:13 na sabi ng relo ko. Medyo late na nga. 11:30 klase ko, so dapat mga 9:30 paalis na 'ko para makapaglunch pa 'ko sa canteen.

Sige na nga, babangon na 'ko. Pero 8:13 pa la– ay 8:14 na pala. 8:14 pa lang. Pwede pa, mga 5 minutes pa tapos babangon na talaga ako para mag-breakfast. Sana makatulog pa 'ko kahit saglit lang. Limang minutong tulog na mahimbing lang OK na. Ayan. Ahh ang sarap humilata dito sa kama ko. Malamig pa yung hangin. Pinatay ko na yung electric fan ko kaninang alas-sais nung umihi ako. Malamig na e.

Ano ba yan. Ang daming tumatakbo sa isip ko. Bakit ba iniisip ko pa kasi 'tong mga 'to e. Eh kung natutulog na lang ako, mas may patutunguhan pa 'tong paghiga ko imbes na bumangon. Kaya nga nandito pa 'ko at wala sa kusina, para matulog. Chumill lang. 8:15 na't wala pa ring progress ang pagtulog kong muli. Ayaw talaga. Alanganin katawan ko. Hindi makabangon, hindi rin naman makatulog. Tamad ba talaga ako?

May reporting pa mamaya sa 1 o'clock class ko. Ready naman ako. Well, hindi masyado, pero hindi rin naman totally blangko utak ko. Ayoko lang talaga ng topic namin. Hello naman, history ng Northern Asia? Wala akong kilalang interesado sa history nun. Russia at Mongolia lang yun. Ang Russia, malamig. Ang Mongolia, may Genghis Khan. Pati Mogolian Barbecue. Pati lapis. Nag-aalala na nga ako sa report, nag-aalala pa 'ko sa pagtulog ko. 8:16 na. Sige, sige. One minute of silence….

…8:17. Nasabi ko pa yung 8:17 so ibig sabihin hindi pa rin ako tulog. Inaantok pa 'ko e. Wala pa 'kong energyng tumayo. Siguro dahil sa pumapasok na araw nasisilaw ako. Tsk. Sige na nga, hindi na lang ako matutulog. Pero tatapusin ko yung 5 minutes na binigay ko sa sarili ko.

8:18 na. 1..2…3…4…5… tuloy-tuloy lang ang second hand. Naalala ko tuloy si Jessica. Ang unang babaeng minahal ko. At minamahal pa rin. Kahit na anong habol ko sa kanya, ayaw talaga niyang tumigil para sa 'kin. Kahit anong isulat ko sa mga love letter, kahit anong klaseng bulaklak ibigay ko, kahit anong tsokolate ibigay ko, ayaw talagang tumigil. Tuloy-tuloy lang sa takbo. Parang second hand lang ng relo….

Medyo…inaantok ako. Malapit nang…mag…8:19. Malapi….

Nakatulog rin ako sa wakas. Ah, kay sarap. Kahit na isang minuto lang yun, grabe ang himbing. Energized na 'kong pumasok. Game na! Handa na' kong harapin ang bwiset na trapiko ng EDSA! 8:19 n—

Puuuuuuu-! 10:00 na! Alas-diyes na babangon pa lang ako! Maliligo pa, magbibihis, kakain ng brunch, maglalakad sa sakayan. Malelate ako sa 11:30 class ko! Last meeting na kasi namin at perfect attendance pa 'ko. May dagdag daw na 0.25 sa grade ang perfect attendance e.Tapos male-late ako? Kung kelang last meeting na? No way, highway!

Dali-dali akong naligo. Sa sobrang pagmamadali, muntikan pa 'kong madulas sa banyo. Kinuha ko lang sa cabinet ko kung anumang nasa ibabaw. Wala nang pili-pili. Mahuhuli na 'ko, 'no. Pagdating ko sa baba, nakahanda na ang pang-almusal ko. "Kain na, anak," sabi ni Mommy. Ang bilis kong sumubo. At hindi ko na rin nginunguya masyado. Konting nguya lang tapos lunok na. Nakikita ko si Mommy sa sulok ng eyes ko. Meron siya noong pagtataka-look. Iniisip niya siguro bakit ako nagmamadali. Nakalimutan niya sigurong may pasok ako ng 11:30.

Ayan, ubos na ang pagkain. Nakapagsipilyo na rin ako. Pangit pa ata pagkakasipilyo ko. Parang may tinga pa 'kong nararamdaman e. Pero 'di bale. Wala nang makakapansin niyan. Hindi naman nila iinspeksyunin buong bibig ko e.

Pagbaba ko ng hagdan, dumeretso na 'ko sa pintuan. Palabas na 'ko nang tawagin ako ni mommy. "Anak, may nakakalimutan ka ata," wika niya.

Ay, oo nga. Ako namang si tanga, aalis ng bahay walang dalang pera. "Onga pala, 'my. Pamasahe ko," sabi ko kay Mommy.

"O, eto," iniabot ni Mommy sa 'kin yung 200 pesos kong baon.

"Salamat, 'my!" sagot ko, sabay kiss sa pisngi niya.

"Baon mo yan para sa Monday. Sabado ngayon. Walang klase," sumbat niya.

Kaya naman pala walang gumigising sa ‘kin. Kaya naman pala wala sa mood yung katawan kong pumasok, o kahit man lang bumangon. Kaya pala parang walang pakialam si Mommy sa pagmamadali ko.

Sabado kasi. Walang pasok.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s